Saturday, December 29, 2007

Putukan

Malapit na naman ang bagong taon at nagsisimula na namang magpaputok ang mga hinayupak naming kapitbahay. Hindi ko maintindihan kung bakit sa dinami-dami ng lugar na pwede nilang pagputukan, e tapat pa ng bahay namin ang napili nila. Ang ganda tuloy ng ambience sa bahay namin--pinaghalong Baghdad at Kosovo.

Dahil dito, laging nagbubunganga ang nanay ko sa mga tambay na nagpapaputok. Hindi raw siya matulog at natutulili na raw ang tenga niya. Bubuhusan daw niya ang mga tambay ng kumukulong tubig para tumigil sila. Aba, naghamon pa na i-report siya sa barangay o ipa-Bantay Bata 163.

Ako gusto ko siyang ipa-Bantay Bata. Subok lang, titignan ko kung talagang rumeresponde sila. Haha!

Kung merong nagagalit, meron ding natatakot sa paputok. 'Yun naman e ang aming asong si Jessie. Isa siyang babaeng Golden Retriever na uhaw na uhaw nang malahian. Laging in-heat ang asong 'yan. Pati binti ko kinakadyot (tangina, tomboy yata ang aso namin). At ang mas nakakatakot, minsan e inaamoy niya ang p*kp*k ng aming Shih Tzu na si Shelly. Parang gusto niya na yatang pumatol sa babae. Huwag naman sanang mangyari 'yun. Hindi dahil against ako sa girl to girl sex, kungdi dahil wala pa yatang isang kilo si Shelly--hindi niya kakayanin ang lovemaking.

Pwede ring amoy dog food lang talaga ang p*kp*k ni Shelly.



Balik tayo sa usapang putukan. Tuwing magpuputukan e hindi mapakali 'tong aso namin. Takbo ng takbo at umaalulong. Minsan pa e nagkakanda-ihi-ihi na siya sa nerbyos. Dahil dito minabuti nang aking ina na sa kwarto ko patulugin si Jessie hanggang lumipas ang January 1.

Takte, unang gabi pa lang parang ayoko na! Ang lupit ng hayop na 'to! Pakiramdam niya yata e siya ang amo at ako ang aso (mukha akong aso kaya may point naman siya). Hindi siya nakukuntento na sa ilalim lang siya ng kama matutulog, gusto niya sa kama mismo. Kinakagat ako kapag ibinababa ko siya. Kaya naman kagabi e ang sarap ng tulog ni Jessie habang ako naman ay nasa bingit na ng kamatayan natutulog.

Hindi ako matulog sa ganung kaliit na espasyo kaya minabuti kong sa sahig na lamang matulog. Mahaluan nga ng Racumin ang pagkain niya mamaya.

***

Habang itina-tayp ko ang entry na 'to, e nagsimula na namang magpaputok ang mga kapitbahay namin. Hindi na ako magtataka kung makita ko ang isa sa aming mga kapitbahay sa TV na tinatahi ang kamay habang tinatanong ni Sol Aragones ng "Masakit ba? Magpapaputok ka ba ulit?" at sasagot naman siya ng "Hindi na po ako uuuu-uuuu--leeet!" Sabay punas ng luha at uhog gamit ang kamay na tatatlo ang daliri.

Advanced Happy New Year.

Lalabas muna ako, bibiling Racumin.

Saturday, December 15, 2007

Buhay pa naman ako...

Tsk, tsk tsk!

Nababanas ako sa sarili ko dahil ang dami-dami kong bagay na gustong i-blog pero wala naman akong panahon! Hindi na rin ako makapagbasa ng ibang blogs. Naks, hectic ang schedule! Ang mas masaklap, kapag nagkaroon naman ako ng panahon, e nakakalimutan ko ang mga dapat na isusulat ko!

Bukod pa diyan, e parang natutuyot ng mga writing classes namin ang utak ko pagdating sa pagsusulat. Madalas lang akong nakatulala sa screen. Kulang na na lang e lumuha na ako ng dugo para lang makaisip ng disenteng pangungusap.

Letse, dapat siguro e magdala na lagi ako ng maliit na notebook na paglalagyan ko ng mga ideas ko para hindi ko sila malimutan! Hindi na ako aasa sa aking memorya dahil hindi na siya kasing talas kagaya nang dati. Kaya lang asa pa ko, ni hindi wala nga akong ganang mag-notes tuwing klase e.

Waah, sana umayos na ang pag-bablog ko ngayong bakasyon!

Kung gusto niyong makabasa ng matinutinong post e tignan niyo na lang yung entry ko sa baba nitong walang silbing post na 'to.

Ilan sa mga kahihiyan ng buhay ko pagdating sa sining...

(Pasensiya na kung mahaba, ang essay na 'to (kung essay bang matatawag). Ito ay isang requirement para sa klase namin sa Retorika. Bahala na kayo kung pagtiya-tiyagaan niyong basahin)

Siguro nang magsabog ang Diyos ng (…), e natutulog ka.

‘Yan ang laging biro para sa mga taong may pagka-inutil sa isang partikular na bagay. At noong bata pa ako, ito ang laging pang-aasar sa akin ng aking dakilang ina. Kadalasan, ang salitang talent ang isinasaksak niya sa loob ng mga panaklong yun (turo sa quote sa itaaas). Matalino raw ako kaya lang, wala raw akong talento sa kahit na anong bagay—lalo na sa art o sining.

Pre-School

Kinder ako nang una kong ipinamalas ang aking husay sa pagguhit. Isang araw sa aming klase sa English, inutusan ako ni Ms. Arellano, ang aming guro na hanggang dede kung magpantalon, na gumuhit ng isang “mother” sa pisara. Pero sa halip na “mother,” e “butter” ang iginuhit ko. Mga bilog, parisukat at parihaba lang kasi ang kaya kong iguhit noon. At dahil sa kapalpakang ‘yon, napagalitan ako ni Ms. Arellano. Wala raw “mother” na palaman sa tinapay.

Okay, fine.

Elementary

Pagtuntong ko ng Grade 1, e medyo gumaling na ako sa pagguhit. Ngayon, nakakaguhit na ako ng mga bundok, kapatagan at bahay-kubo. Kaya naman tuwing magpapaguhit ang aming guro e laging ang mga bagay na ito ang iginuguhit ko. Nagkakatalo lang ang mga drowing ko sa dami ng mga ibong lumilipad at punlang nakatanim sa kapatagan.

Grade 6 ang unang sabak ko sa pagkanta. Napagtripan ako ng aming guro sa MAPE na isali sa isang Christmas singing program na ang tema ay “Pasko sa Pilipinas.” Ang konspeto ng aming gagawing presentasyon, e bayanihan. Kunwari ay mga magkakapit-bahay kami na nagbabayanihan para sa nalalapit na Kapaskuhan. Habang kumakanta ng mga awiting pamasko, ang pangunahing grupo ay aarte na nagsasabit ng mga banderitas. Ang pangalawang grupo naman ay magtutulungan sa pagbuhat ng bahay-kubo na ililipat sa kung saan. At ang huling grupo a.k.a. ang grupo ng mga panakip-butas, ay magkukunwaring naglalagay ng mga palamuti sa dambuhalang Christmas tree.

Siyempre, doon ako sa huling grupo. Kung nagkataong ang presentasyon na ‘yon e Beauty and the Beast, siguradong isa ako sa mga kubyertos o almires na kumakanta at sumasayaw sa kusina. Hindi naman talaga ako marunong kumanta e, sadyang malupit lang ang guro namin sa MAPE na pwedeng mag-audition bilang isang long-lost sibling ng mga Teletubbies.

High School

First year high school naman ako nang mapasubo ako sa pagsasayaw. Para naman ito sa isang requirement sa PE. Napagdesisyunan ng lider ng aming grupo na ang pamatay na kanta ni Lou Bega na “Angelina” ang sasayawin namin. Hindi pa man kami nag-eensayo, e nararamdaman ko nang magiging kahindik-hindik ang kalalabasan nito. At ganuon nga ang nangyari. Hindi sapat ang salita upang ipahayag kung gaano kasaklap ang naging kinalabasan ng aming sayaw. Nagmukha kaming mga kiti-kiting tinubuan ng dalawang kaliwang paa.

Oo nga pala, nag-piano lessons nga rin pala ako nung taong iyon. Pinilit akong mag-piano lessons ng nanay ko dahil sayang naman raw ang keyboards sa bahay. Pumayag ako dahil wala naman akong gagawing matino nung bakasyon na ‘yon. Madalas akong mapagalitan ng trainer nun dahil kinakabisado ko ang mga piyesa imbes na basahin. Takte, napakabano ko! Pero di kalaaunan e medyo natuto naman akong bumasa ng mga simpleng piyesa gaya ng Twinkle-Twinkle Little Star.

Sa kabutihang-palad, nagpunyagi ako nung recital namin nang tugtugin ko ang isang lullaby ni Brahms. Ang saya-saya ko nun dahil ilang ulit nagkamali yung kaklase kong kambal na Bumbay nung recital (Sige na, “Indian” para hindi racist ang dating). Ang saya-saya ko dahil may mga taong mas miserable pa sa akin. Kapag miserable ka nga naman, kailangan mong humanap ng mas miserable sa ‘yo para maging masaya ka. Naku masama 'to, nahahawa na ako sa mga emo.

‘Nga pala, hindi na ako marunong tumugtog ngayon.

Nagsimula naman akong mag-feeling writer noong second year high school. Uso kasi noon ang pagsusulat ng tula. At kung maganda ang tula mo, e ipapaskil ito sa bulletin board sa loob ng klasrum para mabasa ng lahat. Dahil nananalaytay sa aking dugo ang pagiging inggitero, e nakiuso ako kahit hindi ko naman talaga hilig ang pagsusulat. Nagsulat ako ng mga tulang ngayo’y pilit kong iwinawaksi mula sa aking alaala. Kung sakaling makakita ka ng kopya nun e, alalahaning uminom ng Bonamine isang oras bago magbasa. Pero mukhang malabo na ‘yon dahil sa computer ng dati kong kaklase naka-save ang kopya nun--ni-reformat na ang computer niya--YES!

Noong fourth year high school naman ako, e hindi ko akalaing masasali ako sa isang Journalism contest. Paano ba naman, hindi naman talaga ako kasali sa mga estudyanteng ine-ensayo para sa contest na ‘yun. Gusto lang talaga ng isang makulit na Aedes Aegypti mosquito na bigyan ng Dengue Fever ng isa sa kaklase kong kalahok isang araw bago ang contest (Hindi ako sigurado kung Dengue dahil parang Pneumonia ang naging sakit niya. Basta nagkasakit siya).

Gaya nang dati, e napagtripan na naman ako ng aking guro kaya ako ang isinali. Binola-bola pa ako ng magaling raw ako kaya niya ako gagawing substitute. Ako naman ‘tong uto-uto, e di pumayag ako. Sa Filipino Features ako nailagay—ayos wala akong alam. Kaya naman nung ibinigay ng contest emcee ang paksa (Gloria VS FPJ) e bumanat lang ako ng bumanat nang hindi nag-iisip. Ang resulta, 15th place out of 15 participants (Joke lang. Hindi ko alam kung pang-ilan talaga ako. At hindi ko alam kung ilan ang kalaban ko. Hindi ko nga alam kung binasa ng mga judges ang isinulat ko e).

College

Sa wakas, kolehiyo na. Wala ng kung anu-anong kaletsehang programs na kailangang salihan. Magiging mapayapa na ang aking buhay. Yun ang akala ko hanggang makilala ko ang guro namin sa Social Dance nung second year—si Ma’am Atienza (Si Ma’am Atienza, e hybrid ni Vangie Labalan at Ms. Tapia). Aba, sukat ba namang isali ako sa pakulo niyang "Ola Bayle"—isang ballroom dancing contest/circus/gag show.

Takte, kahihiyan na naman. Bukod sa nagkamali-mali kami ng kapareha ko, e may suot-suot pa akong pulang polo na mukhang sako. Gusto kong magsagawa ng lobotomy sa mga kaklase kong nakapanuod ng contest na ‘yun.

Sa ngayon e mas magaling pang gumuhit ang kapatid kong sampung taong gulang at pareho pa ring kaliwa ang mga paa ko. Pero ayos lang dahil wala naman akong magagawa.

Hay, sadyang kaylupit ng tadhana (tutugtog ang theme song ng Mara Clara sa background).