Wednesday, May 21, 2008

Keh Shipp Sekkya!

Kaninang umaga habang naglalakad ako papunta sa sakayan ng jeep, e natawa ako nang napansin kong may kaguluhan na nangyayari sa tapat ng maliit na talipapa ni Aling Beybi. Siyempre, dahil nagmana ko sa aking nanay ng pagiging usisero, e lumapit ako para makita ko kung ano ba ang pinagkakaguluhan ng isang lupon ng mga nanay at mga matatandang dalaga na dapat ay nasa kani-kanilang bahay na at nagluluto na nang pananghalian.

Paglapit ko, napag-alaman ko na ang sanhi ng kaguluhan ay isang maputing babae na pilit kinakausap ng mga suki ni Aling Beybi. Tinignan ko ng maigi ang babae--maputi, walang tupi ang talukap ng mga mata, may 'Jolina' bangs at naka pulang sweater sa ilalim ng nagngangalit na sikat ng araw.

Puta, bakit may Koreana dito sa barangay namin?

Wala naman akong natatandaang English school sa lugar namin. O baka naman meron na dahil hindi naman pwedeng dumayo siya sa amin para lang bumili ng atay ng manok kay Aling Beybi.

Naisip ko na baka naman nakapangasawa ng Koreano ang anak ni Aling Beybi sa abroad at ngayo'y dinadalaw siya. Pero imposible 'yun dahil kakulay ng nagtutong na kanin ang balat ng pamilya nina Aling Beybi. Bukod pa diyan, e kasinglaki ng gulong ng ten-wheeler ang mga mata nila. Kaya kahit makapangasawa ng Koreano ang anak niya, e hindi pwedeng hindi mahawahan ng alkitran ang magiging anak nila.

Nang napansin kong medyo nalilibang ako sa pagbuo ng mga kung anu-anong conspiracy theory tungkol sa misteryosang Koreanang 'yun, e umalis na ako dahil male-late na ako para internship ko. Pero bago pa man ako makalayo, isa sa mga usi ang biglang sumigaw...

"Naku, andyan pala ang anak ni Nene! Naku, magaling mag-English 'yan! Journalism ang kinukuha niyan! Halika muna dito, kausapin mo muna 'tong Koreanang 'to. Naligaw yata!"

Tsk, tsk, sigurado akong nanay ko punong salirin. Pinagyabang siguro na magaling akong mag-English. Tae, mabuti sana kung totoo. E ang kaso, hindi ako makapagsalita ng English ng hindi nagkakabuhul-buhol ang dila e. Paano ako magiging weather man ng CNN niyan?

Gusto kong kumaripas ng takbo palayo nung mga panahong 'yun pero tangina, nagtaksil ang mga paa ko at dinala ako papalapit dun sa Koreana. Pero nanaig pa rin ang aking pagiging matulungin sa kapwa. Hehe. Punyeta, bigla akong kinabahan napasabak ako e. Pero naisip ko na bakit nga ba ako ang kinakabahan e ako 'tong kahit papaano, e marunong magsalita ng English.

Ako: Where-are-you-going-to?

Koreana: To mansion. Meeting someone.

Aba, marunong na naman pala e! Pinutol-putol ko pa yung salita ko. Ako tuloy ang nagmukhang tanga. Bakit kaya karamihan ng mga Pilipinong nakikita ko, (dinamay lahat ng Pilipino e no) kapag may kausap na di marunong mag-English, e bigla silang nahahawa (gaya ko)?

Bigla na lang nagiging maximum of three words per sentence ang mga sinasabi niya. Gaya ng 'Where you go' 'Food taste good' 'Building, so tall' 'I eat later' 'I very horny' Pagkatapos, sasamahan pa 'yan ng mga pagturo kung saan-saan at paga-acting ng mga words na sinasabi nila. Kulang na lang maglaro ng charades.

Paano nga pala 'yung action ng horny?

Pero teka, ano nga pala 'yung mansion? Ang alam ko e ang mansion e ibang tawag rin para sa mga apartment o condominium? Kung ganun, good luck na lang dahil ang dami-dami nun. Unless willing siya mag-trial and error.

Napagdesisyunan kong umalis na lang dahil baka lalo lang gumulo ang mga pangyayari. Bahala na siya. Hindi naman siya si Song Hye-kyo para pagtiyagaan.

Ako: I don't think I can help you. Try calling up your friend. Sorry, I have to go.

Whanepshet! Tatlong sentences 'yun nang hindi nabubulol! Pwede na siguro akong magturo ng English.

Tsk, tsk, bakit nga ba hindi ko naisipang mag-offer sa kanya ng lessons? Sayang din 'yun pandagdag-ipon din 'yun para makabili ako ng PS3

Keh Shipp Sekkya!

PS: Mukha namang nakaalis na 'yung Koreana dahil wala na siya nung pag-uwi ko kanina.